Tuesday, 3 January 2012

Lakwatserong Bata

Noong Setyembre 2011 pa ng huli akong makapunta sa isang malayong lugar sa Pilipinas. Ang kahulugan ko kasi ng malayo ay kinakailangan pa ng eroplano upang makapunta sa isang destinasyon. Nagpunta kami ng Bacolod noon kasama ng aking pamilya. Ang tagal na rin pala.

Sabi ko kasi sa sarili ko, tama na muna ang gala. Kailangan ko munang matapos ang huli kong requirement sa Unibersidad bago ako makagala muli. Binigyan ko ang sarili ko ng hanggang Mayo upang matapos ang requirement na ito.

Kaya naman noong nagka-promo fare sa isang kumpanya ng airline na ang travel dates ay mula Hunyo hanggang Nobyembre, sabi ko "tamang-tama!" Dali-dali na ako nag-book ng mga lakad.

Nagsimula ito ng isang gabi ay tumawag ang isang kaibigan ko at nagyaya na pumunta sa Puerto Princesa, Palawan. Sabi ko naman, "Oo ba!" Sa Agosto ang lakad na ito at tamang-tama dahil tumapat ang petsa sa kaarawan ng isa kong kaibigan na kasama rin sa lakad. Kasama rito ang pamilya ng isa kong kaibigan at mga kaibigan ko noong nasa UP Pampanga ako. Matagal ko na din kasing planong makapunta sa Puerto Princesa. At sa wakas ay matutupad na rin ito sa Agosto.

Pangalawa kong binook ay ang Calbayog, Samar sa Hunyo. Mag-isa lang ako dito. Matagal ko na kasi talagang pangarap na bumiyahe ng mag-isa. Hindi ko talaga alam kung bakit pero gusto ko lang talaga. Siguro, para makapag-isip-isip at makapag-muni-muni ng mga bagay-bagay. Mahirap kasing magawa ito kapag may mga kasama ka.

Pagkatapos kong binook ang Calbayog, tinext ko naman ang mga kaibigan ko na taga-dorm. Sinuggest ng isa sa kanila na mag-Davao kami at pumunta sa ilang lugar sa Mindanao tulad ng Agusan del Sur, Kidapawan City, at Tagum City. Mahaba-haba ang naging usapan naming apat tungkol sa petsa. At sa huli ay napagdesisyunan na sumama kami sa lakad ng isa naming kasama na may lakad na talaga noon sa Iligan at Cagayan de Oro. Kaya naman ito ay naging isang ultimate Mindanao trip, siyam na araw sa Mindanao! Iniisip ko pa lang ay naeexcite na ako. Makakapunta kami ng Davao, Agusan del Sur, Kidapawan City, Tagum City, Iligan City, at Cagayan de Oro! Ang saya! Sa ilang araw na ito ay kukupkupin kami ng kanilang mga kaibigan. Kaya naman ngayon palang ay lubusan na ako nagpapasalamat sa mga kukupkop sa amin ng mga ilang araw.

Masarap talagang bumiyahe. Excited na talaga ako sa mga lakad na ito. Ilang buwan na lang ang hihintayin. Sa ngayon, ipon-ipon muna dahil siguradong mamumulubi ako pagkatapos ng lahat ng lakad na ito. Hahaha! :)

2 comments:

  1. sobrang nakakaexcite pero kailangang magipon ng marami rami bilang andami nating pupuntahan! hahahaha!

    ReplyDelete