Akala ko noong matapos akong maka-buo ng
tatlong gala para sa taong ito ay titigil na ako. Pero hindi pa pala. Nang
makita namin ng kaibigan (roommate/kaklase/at marami pang iba...) ko ang promo
ng isa na namang airline company ay dali-dali kaming naghanap ng lugar na
mapag-gagalaan. Nakita namin ang Naga at nabatid namin na matagal na rin naming
binabalak na bumalik roon upang bisitahin uli ang isa naming kaibigan na doon
nagtatrabaho at upang makapunta na rin sa Caramoan.
Abril 1, 2011 pa ang una at huli naming
bisita sa kanya. Apat na araw at tatlong gabi rin niya kaming kinupkop sa
kanyang boarding house. Nilibot niya kami sa Naga at dinala rin sa Legaspi at
sa Camsur Watersports Complex o CWC. Sari-saring pagkaing Bikolano ang natikman
namin at napakaraming lugar na bumusog sa aming mga mata. Ito rin ang mga
dahilan kung bakit namin gustong bumalik doon at siyempre upang makasama na rin
muli ang isang kaibigan na walong buwan na naming hindi nakikita.
Ang travel dates ng promo fare ay mula
Pebrero 1 hanggang Marso 31. Naisip ko bigla na sinabi ko na nga pala sa sarili
ko na bawal akong bumiyahe hanggang Mayo dahil na rin sa rason na nababggit ko
sa kamakailang post ko dito. Subalit naisip ko naman na pwede ko naman i-budget
ang aking oras upang makapunta pa rin ako ng Naga. Palusot! Hahaha! Kaya naman
hindi na ako nag-dalawang isip na i-book na ang flight na ito.
Ang plano naming petsa ay mula Marso 29
hanggang 31. Sakto, may promo fare pa sa 29! Subalit, wala ng promo fare sa 31!
Hindi na ito pwedeng iurong sa Abril 1 dahil wala ng promo fare. Hindi na rin
pwedeng iurong sa mas maagang petsa ang aming lakad sapagkat iniisip namin na
maaaring marami pa kaming ginagawa sa mga panahon na 'yun at may trabaho rin
ang kaibigan namin at baka hindi rin siya makasama sa amin.
Iminungkahi ng kaibigan
(roommate/kaklase/at marami pang iba...) ko na bakit hindi namin subukan
mag-tren. Sa totoo lang, hindi talaga ako mahilig sa mahahabang biyahe. Naiinip
kasi ako. Pero mukhang magandang ideya din 'yun sapagkat nakakasakay lamang ako
ng tren kapag nag-MRT ako, ngunit hindi ko pa talaga nasusubukan ang tren sa
malalayong biyahe. Kaya naman ganoon na nga ang napag-planuhan. Eroplano sa
Marso 29 papuntang Naga at tren pabalik ng Maynila. Ang kagandahan rin nito ay
hindi namin kailangan magmadali sa pag-uwi. Kung naisin man namin na magtagal
pa sa Naga ng mga ilang araw ay maaari naming i-adjust ang schedule dahil
araw-araw naman ang biyahe ng tren at pareho lang naman ang presyo ng ticket
kahit na sa mismong araw ka pa ng biyahe bumili, hindi tulad sa eroplano na
nagbabago-bago ang presyo depende sa kung gaano kalapit ito sa araw ng biyahe.
Hindi muna ako mangangako at magsasabing
huling lakad ko na ito para sa taong ito dahil baka hindi ko rin ito
mapangatawanan. Masarap kasi talagang mag-biyahe. Kung saan-saan ka
makakapunta, ang dami mong makikita at makikilala, ang dami mong matitikmang
bagong mga pagkain, at ang dami-dami mong maaaring matutunan.
No comments:
Post a Comment