Disclaimer lang, wala naman itong
masyadong kinalaman sa movie ng Star Cinema maliban lamang sa linyang ito:
"Kailangan ba ng official status sa isang relasyon?"
Kung iisipin mo nga naman, kailangan nga
ba talaga? May iba kasing nagsasabi na hindi naman 'yan kailangan. 'Yung tipong
understood naman na e. Bakit pa kailangan lagyan ng opisyal na status? Ok naman
na ganito tayo e.
Subalit para sa iilan, importante para sa
kanila na magkaroon ng opisyal na status. Hindi lang naman kasi label ang
issue, maaari kasi na may nakakabit pa na mga dahilan kung bakit ayaw ng isa na
maglagay ng label. At kung bakit importante para sa isa na magkaroon ng opisyal
na status.
Maaaring ang isa ay hindi pa handa na
pumasok sa isang bagong relasyon. Maaaring kakagaling lamang niya mula sa
isang relasyon kung saan nasaktan siya ng sobra-sobra at hindi pa siya handang
ibigay ang kanyang kabuuan sa bagong taong nakilala.
Ngunit para naman sa parte ng taong
naghihintay na maging buo uli ang kanyang minamahal, napakasakit din nito.
Kahit pilit niyang intindihin ito, hindi pa rin niya maiiwasang masaktan. Hindi
niya maiiwasang isipin na kahit na masaya silang magkasama, alam niyang hindi
pa rin kayang ibigay ng kanyang minamahal ang buo nitong puso. Hindi rin
maiiwasan na minsan ay makaramdam siya ng selos na kahit anong gawin niya ay hindi
pa rin lubusang mawala sa isipan ng kanyang minamahal ang kanyang nakaraan.
Ngunit wala naman siyang magagawa kung
hindi maghintay at umunawa. Maghintay sa panahon na lubusan ng maghilom ang
lahat ng sakit na nararamdaman ng kanyang minamahal. Maghintay sa tamang
panahon kung saan handa na itong pumasok sa isang bagong relasyon at magsabing
"I'm officially yours."
Ang pagkakaroon ng opisyal na status ay
hindi lang isang simpleng pagkakaroon ng label. May mas malalim pa itong
pakahulugan. Nangangahulugan lamang ito na handa na ang isa na magmahal
muli at handa na siyang ibigay ang kanyang buong puso para sa bagong minamahal.