Saturday, 31 December 2011

Tulad ng Dati

Saktong isang taon na mula ng ipinangako ko sa sarili ko na kakalimutan na kita. New Year's Eve din noon e at isa siya sa mga New Year's resolution ko. 

Aaminin ko. Hindi siya madali sa umpisa. Sobrang hirap. Pero gayunpaman, kailangan siyang umpisahan. Ganoon naman ata talaga e. Ilang buwan din 'yun na kahit anong limot ang gawin ko, hindi ko talaga magawa. 

Hindi ko naman talaga nais na makalimutan ka bilang ikaw. Nais ko lamang malimutan ang mga bagay na nararamdaman ko para sa'yo.

Naalala ko noong enrolment ng Hunyo, bigla kitang nakita ng hindi inaasahan. Nagulat talaga ako at buti na lang ay tumalikod ako agad at hindi mo na ako napansin. Pero mas malala ang nangyari noong Hulyo ng nagkita at nagkasama pa tayo ng mga ilang oras. Kinakausap mo ako pero maigsi at mahihinang tugon lang ang nabibigay ko sa'yo. At ng nagpaalam ka na sa akin na pauwi ka na, halos hindi na kita tinignan. Malayong-malayo sa kung paano ako sa'yo dati.

Matapos naganap ito, isa lang ang pumasok sa isip ko: hindi pa ako OK. Hindi pa kita nalilimutan at hindi pa rin nawawala ang nararamdaman ko sa'yo. Akala ko kasi OK na ako noon, subalit bigla ka na naman dumating. 

Lumipas pa ang ilang buwan na walang kahit anong komunikasyon. Ang daming bagong nangyari sa buhay ko. Ang dami kong bagong kaibigan na nakilala. Pero wala ka na. Hindi ka na kasama sa buhay ko. Hindi na tulad ng dati.

Sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung bakit ko ito isinusulat ngayon. Siguro umaasa ako na ito na ang kahuli-hulihang bagay na babanggitin ko ukol dito. Gusto ko lang mailabas ang mga nasa isip ko sa pamamagitan ng pag-sulat. Kauna-unahang post ko ito kahit noong Marso ko pa pinagplanuhan na gumawa ng isang travel blog.

Mas matagal pala siya kaysa sa inaasahan ko. Alam kong OK na ako, kaunting-kaunti na lang talaga. Maaaring hindi tuluyang at buong naging matagumpay ang New Year's resolution ko na ito, pero alam kong malapit na. Kaunti na lang at nandoon na ako. 

Asahan mo na kapag nagkita na uli tayo ay hindi na ako uli magtatago, magkakausap na uli tayo ng maayos, at makakapag-paalam ka na sa akin ng nakatingin ako sa'yo, tulad ng dati.