Saktong isang taon na mula ng ipinangako
ko sa sarili ko na kakalimutan na kita. New Year's Eve din noon e at isa siya
sa mga New Year's resolution ko.
Aaminin ko. Hindi siya madali sa umpisa.
Sobrang hirap. Pero gayunpaman, kailangan siyang umpisahan. Ganoon naman ata
talaga e. Ilang buwan din 'yun na kahit anong limot ang gawin ko, hindi ko
talaga magawa.
Hindi ko naman talaga nais na makalimutan
ka bilang ikaw. Nais ko lamang malimutan ang mga bagay na nararamdaman ko para
sa'yo.
Naalala ko noong enrolment ng Hunyo, bigla
kitang nakita ng hindi inaasahan. Nagulat talaga ako at buti na lang ay
tumalikod ako agad at hindi mo na ako napansin. Pero mas malala ang nangyari
noong Hulyo ng nagkita at nagkasama pa tayo ng mga ilang oras. Kinakausap mo
ako pero maigsi at mahihinang tugon lang ang nabibigay ko sa'yo. At ng
nagpaalam ka na sa akin na pauwi ka na, halos hindi na kita tinignan.
Malayong-malayo sa kung paano ako sa'yo dati.
Matapos naganap ito, isa lang ang pumasok
sa isip ko: hindi pa ako OK. Hindi pa kita nalilimutan at hindi pa rin nawawala
ang nararamdaman ko sa'yo. Akala ko kasi OK na ako noon, subalit bigla ka na
naman dumating.
Lumipas pa ang ilang buwan na walang kahit
anong komunikasyon. Ang daming bagong nangyari sa buhay ko. Ang dami kong
bagong kaibigan na nakilala. Pero wala ka na. Hindi ka na kasama sa buhay ko.
Hindi na tulad ng dati.
Sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung
bakit ko ito isinusulat ngayon. Siguro umaasa ako na ito na ang kahuli-hulihang
bagay na babanggitin ko ukol dito. Gusto ko lang mailabas ang mga nasa isip ko
sa pamamagitan ng pag-sulat. Kauna-unahang post ko ito kahit noong Marso ko pa
pinagplanuhan na gumawa ng isang travel blog.
Mas matagal pala siya kaysa sa inaasahan
ko. Alam kong OK na ako, kaunting-kaunti na lang talaga. Maaaring hindi
tuluyang at buong naging matagumpay ang New Year's resolution ko na ito, pero
alam kong malapit na. Kaunti na lang at nandoon na ako.
Asahan mo na kapag nagkita na uli tayo ay
hindi na ako uli magtatago, magkakausap na uli tayo ng maayos, at
makakapag-paalam ka na sa akin ng nakatingin ako sa'yo, tulad ng dati.